Ospital ng Cabuyao pansamantalang sarado matapos nagpositibo sa COVID-19 ang 18 healthcare workers nito
Isasailalim sa decontamination ang Ospital ng Cabuyao sa Laguna makaraang mahawahan ng COVID-19 ang ilang healthcare personnel nito.
Sa abiso na pirmado ni Chief of Hospital Dr. Gregorio Fabros, sinabi na 18 tauhan ng Ospital ng Cabuyao ang nagpositibo sa COVID sa nakalipas na 10 araw.
Dahil dito, isasara pansamantala ang ospital hanggang sa Abril 19 para sa decontamination at quarantine ng 45 healthcare workers ng pagamutan.
Ipinagutos ng pamunuan ng ospital sa mga kawani ang mahigpit na home quarantine.
Inatasan din ang mga medical workers na i-update online ang Infection Prevention and Control Committee para sa kanilang daily self-monitoring report at anumang sintomas na kanilang mararanasan.
Pinagbabawalan din ang lahat ng tauhan ng pagamutan na magsagawa ng private practice sa labas ng Ospital ng Cabuyao para maiwasan ang cross contamination sa ibang health facilities.
Ang mga tauhan naman na essential sa pangangalaga sa nalalabing admitted patients ay kailangan na mag-duty hanggang sa lahat ng pasyente ay ma-discharge.
Moira Encina