Ospital sa Pampanga, punuan na dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19
Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng nagpopositibo sa COVID-19 sa Pampanga.
Batay sa huling tala, umakyat na sa mahigit 38,860 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan, ito’y matapos mairagdag sa bilang ang 439 na mga bagong kaso.
Nasa mahigit limang libo naman ang naitalang aktibong kaso ng Covid-19.
Dahil dyan, ilan sa mga ospital ng lalawigan ang punuan na at hindi na kayang tumanggap pa ng mga pasyente.
Isa na riyan ang Jose B. Lingad Memorial General Hospital sa San Fernando, Pampanga.
Kamakailan lang ay nag-abiso na ang naturang ospital sa publiko, dahil sa pansamantala muna nilang hindi pagtanggap ng mga COVID-19 case referrals sapagkat puno na ang kapasidad ng kanilang COVID-19 wards at COVID-19 critical care units.
Maging ang emergency rooms at isolation tents ay marami ring pasyenteng naghihintay na ma-admit.
Ngunit ipinahayag ng ospital na tungkulin nilang bigyang pansin ang mga pasyenteng may severe at critical Covid-19 sapagkat sila ay isang Level 3 na ospital.
Dahil dyan ay iminumungkahi nila sa mga pasyenteng nakararanas ng mild to moderate na sintomas, na makipag-ugnayan muna sa Level 1 at Level 2 na mga ospital.
Samantala, walang tigil ang pagpapaalala ng mga kinauukulan na paigtingin pa ng bawat isa ang kanilang pagsunod sa health and safety protocols upang makaiwas sa mas lalo pang paglubha ng mga kasong nagpopositibo sa Covid-19.
Kisses Payumo