Otsenta’y dos anyos na kidney patient, kauna-unahang binakunahan ng Oxford/AstraZeneca COVID-19 vaccine
LONDON, United Kingdom (AFP) — Isang 82-anyos na lalaki ang naging kauna-unahang tao sa buong mundo na binigyan ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa ng AstraZeneca at Oxford University.
Ayon sa National Health Service, si Brian Pinker na mula sa south central England, isang retiradong maintenance manager at nagda-dialysis na dahil sa kaniyang sakit sa bato, ay binakunahan sa Churchill Hospital.
Sinabi ni Sam Foster, chief nursing officer sa Oxford University Hospitals NHS Foundation Trust, binakunahan nya si Pinker suot ang protective equipment sa harap ng media.
Ang Britanya na isa pinaka grabeng tinamaan ng pandemya na nakapagtala na ng 75-libong namatay dahil sa virus, ay matibay ang pag-asa sa bakuna.
Nasa 530,000 doses ang ibibigay sa mga bagong vaccination site sa magkabilang panig ng bansa, bilang karagdagan sa mga vaccination site na nagbibigay naman ng Pfizer-BioNTech vaccine simula pa noong Disyembre.
Ang bagong bakuna ay nagbigay ng pag-asa habang tumataas ang bilang ng mga kaso sa England bunsod ng bagong variant ng virus, na naging sanhi ng pagpapatupad ng mas mahihigpit na restriksyon.
Nito lamang Linggo ay may 54,990 mga bagong kasong naitala at ang nao-ospital ay tumaas ng halos 20-porsyento nitong nakalipas na linggo. Sa kabuuan, ang Britanyan ay mayroon nang higit 2.6 million confirmed cases.
Matatandaan na ang Britanya ang unang bansa sa buong mundo na nag-apruba sa paggamit ng bakuna na dinivelop ng Pfizer-BioNTech noong December 2, at halos isang milyong katao na ang nabigyan nila ng first dose.
Ang Oxford/AstraZeneca vaccine ay higit na mura kumpara sa mga katunggali nitong bakuna, sa halagang nasa £2.50 ($3.40, 2.75 euros) per dose, kaya’t mas kakayanin itong bilhin ng developing countries.
Maaari rin itong i-imbak sa refrigerator, habang ang Pfizer-BioNTech vaccine ay kailangang i-imbak sa napakalamig na temperatura.
Ayon sa AstraZeneca, plano nilang dagdagan ang kanilang produksyon ng hanggang sa tatlong bilyong doses ngayong taon.
© Agence France-Presse