Outbreak sa tigdas ibinabala ng WHO
Nagbabala ang World Health Organization sa posibilidad na magkaroon ng outbreak ng tigdas sa bansa sa susunod na taon.
Ayon kay Department of Health OIC Ma. Rosario Vergeire, sa datos ng WHO at UNICEF, sa Pilipinas ay may tatlong milyong bata ang wala pang kahit isang doses ng measles vaccine nito lamang nakalipas na dalawang taon ng pandemic.
Habang halos 1 milyong bata naman ang mas nanganganib kapitan ng virus.
Aminado ang DOH na malaking epekto rito ang pagkakaroon ng vaccine hesitancy at ang nangyaring pandemya dulot ng COVID-19.
Sa talaan ng DOH mula Enero 1 hanggang Setyembre 17 ng 2022, may 450 kaso ng tigdas at rubella o german measles ang naitala na mas mataas ng 153% sa 178 lamang na kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Karamihan ng mga kaso ay mula sa Calabarzon, Central Visayas at National Capital Region.
Kung pagbabatayan naman ang naitala mula Agosto 21 hanggang Setyembre 17, 68 kaso ng tigdas ang naitala kung saan karamihan ay mula sa Calabarzon, Central at Eastern Visayas, Northern Mindanao at NCR.
Ayon sa DOH, sa nakalipas na 4 na linggo, 5 sa 17 rehiyon sa bansa ang lumagpas sa epidemic threshold.
Kabilang rito ang Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol region, Central Visayas at NCR.
Nakitaan naman ng clustering ng mga kaso ng tigdas sa isang barangay sa Dagupan City, Pangasinan at Pagadian City, Zamboanga del Sur.
May dalawa namang naiulat na nasawi dahil sa tigdas ang isa ay noong Agosto at ang isa ay nitong Setyembre.
Madelyn Villar-Moratillo