Outdoor market sa Muntinlupa, binuksan na sa publiko
Binuksan na sa publiko ng Muntinlupa local government unit (LGU), ang isang open-air at bazaar na kung tawagin ay “merkado sa muntinlupa,” kung saan tampok ang iba’t-ibang produktong gawang muntinlupeño, at sariling ani ng mga magsasaka at iba pa.
Pinangunahan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at iba pang opisyal ng LGU, ang grand launching na ginanap sa open ground ng sports complex, na malapit sa Laguna de Bay.
Layon ng proyekto na matulungan ang maliliit na mga negosyante na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito ay inanyayahan ni Fresnedi ang mga residente ng Muntinlupa at karatig syudad na bisitahin ang pinakabagong pamilihan ng lungsod.
Subalit mahigpit na bilin na sundin ang health and safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang social distancing.
Hinimok rin ng alkalde na mabuting gamitin ang staysafe.ph app o di kaya ay ang QR code, bilang bahagi ng mabilis na contact tracing straregy ng pamahalaang lungsod.
Bukod dito, maglalagay din aniya sila ng sanitation area at magtatalaga rin ng mga tauhang magbabantay upang masigurong nasusunod ang ipinatutupad na health and safety guidilines.
Bukas ang merkado mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi tuwing Biyernes, habang alas-8:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi naman tuwing Sabado at Linggo.
Samantala, ang pinapayagan lamang na makapamili sa naturang outdoor market ay ang mga nasa edad disiotso hanggang 65-anyos.
Ulat ni Jimbo Tejano