Outreach program ng 2 rescue group sa Laguna, pinakinabangan ng higit 500 kabataan
Mahigit 500 kabataan ang nakatanggap ng school supplies, pagkain at iba pang personal na kagamitan na ipinamahagi ng Search and Rescue Operation Group (SARRO) at Unified Movement for Good Governance (UMGG).
Ang nasabing programa ay isinagawa sa Barangay Cuyab sa San Pedro, Laguna sa pangunguna nina SARRO at UMGG rescue force director Marina Mordeno at Roberto Enriquez.
Tampok din sa programa ang pamamahagi ng impormasyon sa mga magulang tungkol sa safety and awareness, upang mapangalagaan at matiyak ang seguridad ng kanilang mga anak.
Kasabay nito ang paghimok sa mga magulang na mariing sumunod sa mga batas na ipinatutupad ng pamahalaan, at maging aware sa mga napapanahong isyu ng bansa na ang tinutukoy ay ang paghikayat ng makakaliwang grupo sa mga kabataan para lumaban sa gobyerno.
Ayon sa SARRO at UMGG, patuloy din ang ginagawa nilang pagsasanay sa mga siyudad at barangay at sa bawat probinsiya tungkol sa kaligtasan at paano isasalba ang sarili sakaling may dumating na sakuna o kalamidad gaya ng bagyo.
Jimbo Tejano