Over-capacity sa mga piitan ng BJMP, nabawasan na
Mula sa dating 612% over capacity noong 2017, nabawasan na umano kahit paano ang congestion sa mga piitan sa bansa na nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa Laging Handa Briefing, sinabi ni BJMP Spokesman Jail Supt Xavier Solda, na sa ngayon ay nasa 390% na lang ang kapasidad ng piitan ang naitala.
Naniniwala si Solda na malaking tulong rito ang pagbibigay pansin sa good conduct time allowance para mas mapaaga ang paglaya ng mga preso sa sandaling mailipat na sila sa mga pasilidad ng Bureau of Corrections.
Mula aniya sa 477 na kulungan sa ilalim ng pangangasiwa ng BJMP, 334 na lang ang congested at 143 ang napaluwag na.
Tiniyak rin nito na tuloy ang proyekto ng BJMP para sa pagtatayo ng mga bagong kulungan at gusali para mapaluwagan ang mga piitan sa bansa.
Madelyn Villar -Moratillo