Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman sinampahan ng reklamong administratibo sa office of the president
Pormal nang sinampahan ng reklamong administratibo sa Office of the President sa Malakanyang sina Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman ng grupo ng mga abogado.
Sina Carandang at Elman ay sinampahan ng kasong administratibo na nakabatay sa graft and corruption at betrayal of public trust at paglabag sa civil service code nina Atty. Manuelito Luna, Atty. Eligio Mallari, Atty. Glen Chong at dating Congressman Jacinto Paras.
Batay sa reklamo ng mga complainant, lumabag sa code of ethical standard sina Carandang at Elman dahil sa paglalabas ng umanoy bank records ng account ni Pangulong Rodrigo Duterte na mula sa Anti-money laundering council o AMLC na sinasabing labag sa rules and regulations ng ombudsman sa mga ginagawang imbestigasyon.
Ayon sa mga complainant, itinanggi ng AMLC ang naturang bank records na siyang hawak ni Senador Antonio Trillanes IV na ginagamit sa pagbubuyag ng mga umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Pangulong Duterte.
Ang overall ombudsman at mga deputy ombudsman ay nasa supervision at control ng Office of the President.
Kung mapapatunayan na nagkasala sa kasong administratibo sina Carandang at Elman, papatawan sila ng parusang pagkaka-sibak sa kanilang puwesto dahil nagpagamit ang mga ito sa mga kumakalaban sa administrasyon sa pangunguna ni Senador Trillanes.
Ulat ni Vic Somintac