Overpriced at outdated na mga laptop, paiimbestigahan ng Senado
Pinaiimbestigahan na sa Senado ang umano’y overpriced laptops na binili ng procurement service ng Department of Budget and Management para sa Department of Education noong nakaraang taon.
Naghain na ng resolusyon si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel at hiniling na busisiin ng Senate Blue Ribbon Committee ang kontrobersyal na laptop,na nagkakahalaga ng 35 hanggang 58 thousand pesos kada piraso.
Sinabi ni Pimentel na nakababahala ang report ng Commission on Audit sa procurement ng 2.4 billion na halaga ng laptop para sa mga guro na lumilitaw na mga outdated at overpriced.
Tinukoy nito ang Commission on Audit report na nagsabing mababa ang processor ng laptop at walang naisumiteng sapat na requirements ang procurement service ng DBM bilang basehan ng pagbili.
Giit ni Pimentel, dapat malaman kung nagkaroon ba ng iregularidad sa pagbili ng mga laptop at papanagutin kung sino ang mga nakinabang.
Ayon sa DepEd, gumagawa na sila ng paraan kung maaaring ibalik o mapalitan ang mga laptop.
Sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na tinitingnan na nila ang warranty provision nito dahil sa mabagal na processor ng intel celeron.
Sa ngayon aniya iniimbestigahan na ang lahat ng pagkakamali sa nangyaring transaksyon.
Meanne Corvera