OVP idinipensa ang hinihinging confidential funds at malaking pondo para sa 2023
Sa mga livelihood project sa conflict areas, social services at national security ang ilan sa mga pupuntahan ng confidential funds ng Office of the Vice- President.
Ito ang nilinaw ng OVP sa harap ng pagkuwestiyon ng ilan sa hinihinging confidential funds at malaking budget nito para sa susunod na taon.
Batay sa 2023 National Expenditure Program, nasa P2.29 billion ang panukalang budget para sa OVP.
Ito ay mas mataas ng 200% kumpara sa P702 million na budget ng tanggapan ngayong taon.
Nabatid din na may panukalang P500 million na confidential funds ang OVP.
Sinabi ng tagapagsalita ng OVP na si Atty. Reynold Munsayac na magiging transparent
at gagamitin sa tama ang nasabing pondo.
Tiniyak pa ni Munsayac na susundin ng OVP ang parameters na inilatag ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) para sa confidential funds.
Sinabi ni Munsayac na may mga proyektong pangkabuhayan ang OVP na ipatutupad sa conflict areas.
Dahil dito, kakailanganin ng pondo para sa pagsusulong ng pambansang seguridad at kapayapaan at kaayusan.
Ipinaliwanag din ni Munsayac na ang mas malaking budget na hinihiling ng OVP para sa susunod na taon ay mapupunta karamihan sa Good Governance Program o mga pangunahing social services gaya ng medical at burial assistance, livelihood programs at libreng sakay para sa mga nangangailangang Pinoy.
Lumaki din aniya ang pondo ng OVP lalo na’t may pito na itong satellite offices sa bansa na layong mapalapit ang serbisyo nito sa mga Pinoy mula sa malalayong lugar.
Moira Encina