Ozamiz City PNP Chief Jovie Espenido dumalo sa pagdinig ng DOJ kaugnay sa Ozamiz 9 raid
Humarap sa DOJ si Ozamiz City Police Chief Jovie Espenido para sa pagsisimula ng preliminary investigation sa mga reklamong kriminal laban sa kanya at tatlong iba pang pulis kaugnay sa napaslang na Ozamiz 9 sa serye ng raid noong Hunyo a uno.
Paglabag sa Article 124 o Arbitrary Detention at Article 248 o Murder sa ilalim ng Revised Penal Code ang inihain laban kina Espenido at sa mga tauhan nito
Kabilang sa dumalo sa pagdinig ang tatlong pang respondents sa kaso na sina Police Chief Inspector Glyndo Lagrimas, SPO4 Renato Martir Jr. at PO1 Sandra Louise Nadayag.
Bigo namang makapaghain ng kanilang kontra salaysay sina Espenido.
Sa halip humiling sila ng dagdag na panahon para makapagsumite ng counter affidavit.
Pinagbigyan naman sila ni Assistant State Prosecutor Loverhette Jeffrey Villordon.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa August 29 sa ganap na alas dos ng hapon.
Ang reklamo laban kina Espenido ay nag- ugat sa serye ng raid sa Cabinti at Balintawak Villages sa Ozamiz City ng grupo nito kung saan napatay ang 9 at naaresto ang 6 na iba pa na sinasabing nasa likod ng serye ng holdapan at pamamaril sa Ozamiz City.
Ulat ni: Moira Encina