P 1.9-B pondo ng SAP sa ilalim ng Bayanihan 1 law na hindi naibigay sa mga beneficiary naibalik na sa National treasury-DSWD
Nasa kamay na ng National Treasury ang 1.9 bilyong pisong undistributed fund ng Social Amelioration Program o SAP na nakapaloob sa Bayanihan 1 we heal as one law sa panahon ng Duterte administration na inireport ng Commission on Audit o COA.
Sinabi ni Department of Social Welfare and Development o DSWD Spokesman Assistant Secretary Romel Lopez na inaalam na nila kay dating Social Welfare Secretary Rolando Bautista kung bakit hindi naibigay sa mga beneficiary ng SAP ang naturang pondo.
Ayon kay Lopez ikinalungkot ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang pangyayari dahil hindi napakinabangan ng mga benepisyaryo ang pondo dahil ito ay malaking tulong lalo na noong kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 sa bansa na karamihan sa mga mamamayan ay nawalan ng pagkakakitaan.
Inihayag ni Lopez na nangako si Secretary Tulfo na hindi na ito mauulit sa panahon ng kanyang panunungkulan dahil lahat ng tulong na mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD ay ibibigay sa kinauukulan.
Vic Somintac