P 2.5 Billion na pondo para sa fuel subsidy sa transport sector kayang ilabas ng Malakanyang sa loob ng 24 oras
Hinihintay na lamang ng Department of Budget and Management o DBM ang joint memorandum circular ng Department of Transportation o DOTr at Department of Energy o DOE para agad maproseso ang pagpapalabas ng pondo para sa fuel subsidy sa sektor ng transportasyon.
Sinabi ni Acting Budget Secretary Tina Rose Canda na nakahanda na ang release documents para sa 2.5 bilyong pisong pondong pang-ayuda sa transport sector.
Ayon kay Secretary Canda sa sandaling matanggap ng DBM ang joint memorandum circular ng DOTr at DOE ay maipalalabas na ang pondo sa loob lamang ng 24 oras.
Inihayag ng DBM ang subsidy para sa mga tsupert at operator ng pampublikong sasakyan ay pangangasiwaan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB samantalang ang para sa mga service delivery driver at mga tricycle driver ay nasa pangangasiwa naman ng mga lokal na pamahalaan.
Ang fuel subsidy para sa transport sector sa ilalim ng pantawid pasada program ang isa sa mitigating measures na inihanda ng gobyerno para tulungan ang mga nasa sektor ng transportasyon na apektado ng lingo-linggong pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo na ginagawa ng mga kompanya ng langis sa bansa.
Vic Somintac