P14-M smuggled na mga sigarilyo, nasabat sa Zamboanga City
Nasabat ng government agents ang may P14 milyong halaga ng smuggled cigarettes na patungo sanang Cebu, at inaresto ang dalawa katao sa isinagawang anti-smuggling operation sa Zamboanga City.
Sinabi ni Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City Police Office (ZCPO) director, na ang mga puslit na sigarilyo ay nasabat sa tapat ng ZCPO Station 4 office na nasa kahabaan ng Maria Clara Lorenzo Lobregat (MCLL) Highway sa Barangay Culianan.
Ayon kay Lorenzo, ang anti-smuggling operation ay inilunsad matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa shipment ng smuggled items, na kinabibilangan ng 400 master cases na nakatago sa ice cases na lulan ng isang 10-wheeler truck.
Aniya, nabigong magpakita ng mga dokumento ang truck driver na si Jose Dichoso Goodwill, 45, at kaniyang assistant na si Ryan Jalis Comidoy, 37, kaugnay ng kargamento.
Sinabi aniya ni Goodwill na patungo sila sa Cebu City para i-deliver ang mga sigarilyo.
Si Goodwill at Comidoy, kasama ng smuggled cigarettes at ang sasakyan ay itinurn-over na sa Bureau of Customs (BOC) para sa kaukulang disposisyon.