P15-M halaga ng assistance project ng US para sa judicial reforms ng Pilipinas, inilunsad
Makakatuwang ng Korte Suprema ang U.S. Embassy para sa pagpapatupad ng mga reporma sa hudikatura.
Ito ay sa pamamagitan ng inilunsad na Manila Justice Sector Reform Program.
Ayon sa embahada, ang nasabing U.S. government assistance project na nagkakahalaga ng halos Php15 milyon ($250,000) ay bilang suporta sa 2022-2027 Strategic Plan for Judicial Innovations ng Supreme Court.
Ang proyekto ay ipatutupad sa loob ng 18 buwan o hanggang Pebrero 2024.
Layunin nito na matugunan ang pangangailangan para sa standardized approach at strategy sa mga reporma sa information and communications technology sa hudikatura ng bansa.
Ang Office of International Narcotics and Law Enforcement Affairs (INL) ng U.S. State Department ang nagkaloob ng grant sa proyekto sa U.S. National Center for State Courts (NCSC) na mangangasiwa sa implementasyon ng Manila Justice Sector Reform Program.
Moira Encina