P23.4B TPLEX extension project aprubado na ng NEDA Board
Tinatayang nasa P23.4 billion ang project cost ng 59.4-kilometer Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) Extension Project na magdudugtong sa Ilocos Region patungong Central Luzon at Metro Manila.
Ang TPLEX Extension Project ay sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) program.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director General Arsenio Balisacan, patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na maisulong ang mga proyekto salig sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng Marcos administration.
Kasama rin aniya sa inaprubahan ng NEDA Board ang guidelines para sa LGU PPP projects, para sa pagproseso ng PPP proposals ng mga local government units.
Sa ilalim nito, matitiyak na ang mga proyekto ng LGU ay salig sa national development plans and priorities.
Inaprubahan din ng Board ang Philippine Rural Development Projects Scale-Up ng Department of Agriculture.
Tinatayang nasa P45.01 billion ang halaga ng nasabing proyekto.
Madelyn Villar- Moratillo