P300K cash at iba pang kontrabando, nakumpiska mula sa ilang BuCor guards at inmates sa Bilibid
Aabot sa mahigit P300,000 na halaga ng salapi ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) mula sa ilang jail guards at inmates sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay BuCor Acting Director General Gregorio Catapang Jr., nasabat sa kanilang operasyon kamakailan sa mga locker ng mga guwardiya ang mga cash.
Aniya, pera ito ng mga preso na ipinapatago sa jail guards.
Bukod dito, may nakumpiska rin ang BuCor na pera at ilang kontrabando mula sa ilang inmates.
Kabilang sa mga ito ang ilang cellphones at mga sigarilyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Catapang na sasampahan nila ng reklamo ang anim na jail guard na nahulihan ng mga salapi.
Inihayag pa ni Catapang na tinanggal na rin niya sa posisyon ang mga sangkot na tauhan dahil mahalaga na may maturuan ng leksyon sa mga katulad na pangyayari sa Bilibid.
Una rito isiniwalat ni Justice Secretary Crispin Remulla ang GCash scheme sa Bilibid kung saan kinakaltasan umano ng mga guwardiya ang mga perang ipinapadala sa app ng pamilya ng PDLs.
Moira Encina