“P33B contingency fund, gamitin na para magdagdag ng medical frontliners” – Sen. Marcos
Hinimok ni Senador Imee Marcos ang Malacanang na gamitin na ang bilyon -bilyong pisong contingency fund para tulungan ang mga pampublikong ospital na magdagdag ng mga medical frontliner.
Sa harap ito ng humihinang kapasidad ng mga ospital dahil sa libo-libong nagpopositibo sa Covid 19 kada araw.
Sinabi ni Marcos na may P33 billion na pondo ang gobyerno para tulungan ang mga ospital at i-hire ang mga nurse na nawalan ng trabaho sa abroad dahil sa epekto ng pandemya .
Pwede rin aniyang gamitin ito sa pagbili ng kakailanganin nilang kagamitan.
Tinukoy ni Marcos ang P13 billion na contingency fund na nasa ilalim ng Office of the President at P20 billion na calamity fund na nakapaloob sa 2021 general appropriations law.
Iginiit ni Marcos na kahit dagdagan ang bed capacity ng mga ospital kung wala namang doktor at nurse ay hindi rin magagamot ang mga pasyente.
Tinukoy pa ni Marcos ang 110 sa 180 na empleyado ng Philippine Orthopedic Center na nag-positibo sa Covid-19.
Dismayado na ang senador dahil masyado na aniyang delay ang pagbuo ng medical reserve corps at pagbili ng mga PPE at medical equipment na gawang lokal na nakapaloob sa kanyang Senate bills 1592 at 1708.
“Tama na ang penitensya ng ating mga doktor, nars, at may sakit. Ilabas na ang GAA (General Appropriations Act) 2021 Contingent Fund sa ilalim ng Office of the President na nasa Php13 billion, at yung calamity fund o NDRRMF (National Disaster Risk Reduction and Management Fund) na Php20 billion,
“Kung kailangan ng nasabing emergency fund para bayaran ang health workers, bumili ng mga gamot para sa mga may sakit at pagtatayo ng dagdag na pasilidad, gawin na ngayon!
“Wala rin silbi kahit dagdagan ang hospital beds at quarantine facilities kung hindi magdadagdag ng health care workers. Pagod at depress na sila at posible pang mahawa ng sakit,”, pahayag ng senador.
Meanne Corvera