P500 monthly fuel subsidy para sa low-income families, hindi pa naipamamahagi ng DSWD
Hindi pa naipamamahagi ng gobyerno ng Pilipinas ang P500 tulong kada pamilya na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, para mapagaan ang pasanin dulot na rin ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na umaasa itong masisimulan ang distribusyon bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo 30.
Noong Marso ay nangako ang pangulo na magbibigay ng P500 fuel subsidy kada buwan sa bawat isa sa 12 milyong low-income Filipino families sa bansa. Ito ay pagkatapos magsimula ang Ukraine-Russia conflict na naging bahagi sa pagtaas ng halaga ng langis sa buong mundo.
Ayon kay DSWD Spokesperson Director Irene Dumlao . . . “We remain committed to deliver the promise of President Duterte na ibigay nga po itong karagdagang tulong doon sa ating mga kababayan. At inaasahan po natin ‘no, that itong P500 per month na subsidy ay maumpisahan na nga po, bago magtapos iyong termino ni Pangulong Duterte.”
Sa pinakahuling oil price hike noong June 7, tumaas ng P6.55 kada litro ang diesel prices, at P2.70 kada litro naman ang gasolina na nagbunsod ng mga panawagan mula sa transport group para sa isang transport strike.
Noong March 16 ay inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Department of Finance na magkaloob ng P200 karagdagang subsidiya kada pamilya bawat buwan para sa 12 milyong low-income households sa bansa, o kabuuang P33.1 billion. Kalaunan ay tinaasan niya ang subsidiya at ginawang P500 bawat buwan makaraang makatanggap ng mga reklamo na ang P200 monthly subsidy ay napakaliit.