P700,000 na tulong, naipamahagi ng Gobyerno sa mga biktima ng nasunog na barko sa Basilan
Umabot na sa mahigit P700,000 ang naipamahaging tulong ng Gobyerno sa mga biktima ng nasunog na MV Lady Mary Joy 3 sa Basilan.
Ayon kay Defense Secretary Carlito Galvez Jr., nasa P640,000 na halaga ng financial assistance na ang naipagkaloob sa mga biktima ng nasunog na pampasaherong barko.
Aabot naman sa P71,000 ang halaga ng food at non-food items ang naipamahagi sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Provincial government ng Basilan.
Nagbigay naman ng hygiene kits at mga damit ang lokal na pamahalaan ng Basilan at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Namahagi din ng pagkain ang Philippine Coast Guard ([PCG) sa mga pasahero ng nasunog na MV Lady Mary Joy 3.
Nagsagawa rin ng psychological intervention ang mga tauhan ng DSWD sa mga survivor na pansamantalang tumutuloy sa DSWD Home for Women sa Mampang, Zamboanga City.
Samantala, nagsagawa rin ang Philippine Red Cross (PRC) ng first-aid treatment sa mga survivors at nagbigay ng cadaver bags sa mga nasawi.
Matatandaan na nasunog ang MV Lady Mary Joy 3 sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island sa Basilan noong March 29, na ikinasawi ng 31 pasahero.