P85 Million na halaga ng smuggled na puting asukal kinumpiska ng Department of Agriculture
Aabot sa 780,000 na kilo ng smuggled na puting asukal ang nasamsam mula sa tatlumpung container vans.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement James Layug, isinagawa ang operasyon matapos ang inilabas na alert order sa mga kargamento.
Naka-consign ang mga nasamsam na refined sugar sa kompaniyang MFBY consumer goods trading.
Idineklara na mga slipper outsoles o swelas ng tsinelas ang laman ng mga container vans.
Inihayag ni Layug nang buksan at inspeksyunin ng mga tauhan ng Department of Agriculture ay tumambad ang nasa 520 na sako ng puting asukal.
Sa kabuuan ay aabot sa walumpu’t limang milyong piso ang halaga ng smuggled na asukal.
Kabilang naman sa isasampang kaso laban sa consignee ng smuggled na asukal ang paglabag sa Food Safety Act of 2013 at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Sa ngayon ay nasa Port of Subic pa ang mga container van na naglalaman ng mga smuggled na asukal at nakatakdang isailalim sa Seizure and Forfeiture proceedings.
Vic Somintac