Paangatin ang buhay ng mga mahihirap na Filipino, ibinilin ni Pangulong Duterte kay bagong DSWD USEC Isko Moreno
Lubos ang pasasalamat ni dating Manila Vice Mayor Francisco “Isko” Moreno kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang italaga bilang Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Sa panayam ng programang Serbisyo ng Agila, sinabi ni Moreno na tutugunan niya at bibigyang-pansin ang pagpapa-angat sa antas ng pamumuhay o quality of life ng mga mahihirap na Filipino dahil ito ang ibinilin sa kaniya ng Pangulo.
Bahagi aniya ng pagpapa-angat sa buhay ng mga mahihirap na filipino ay maialis na sila sa listahan ng 4p’s o Pantawid Pamilyang Pilipino program ng DSWD at ito ay sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng mga programang pangkabuhayan.
Binigyang-diin ni Moreno na alam niya ang hirap na dinaranas ng mga Filipino dahil siya mismo ay dumanas rin ng matinding kahirapan noon.
“Yung mga mahihirap maibigay sa kanila yung programa at tumaas ang antas ng pamumuhay. So hangga’t maaari ay darating ang oras o araw na hindi na sila bahagi ng 4Ps, ibig sabihin ay umaangat na po ang kanilang buhay”- USEC Isko Moreno
=============