Pabahay ng Gobyerno para sa mga biktima ng Yolanda limang taon na ang nakalilipas, halos nasa 40 percent pa lang
Limang taon matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda sa Leyte, umaabot pa lang sa mahigit 40 percent ang mga housing units na natatapos ng Gobyerno para sa mga biktima ng kalamidad.
Katunayan, sa pagdinig ng Senate Cmmittee on Urban Planning Housing and Resettlement na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito, lumilitaw na sa 205,000 housing units na target ng Gobyerno para sa mga biktima ng yolanda, 90 thousand pa lang sa mga ito ang natatapos o katumbas ng 44 percent.
Pero sa 90 thousand units, 32 thousand pa lang sa mga ito ang okupado.
Nangangahulugan ito ayon kay Ejercito na libo-libo pa rin ang nakatira at nagtitiis sa mga temporary shelters at tent na itinayo para sa mga biktima ng super typhoon.
Bukod sa Yolanda victims, may housing projects din na ipinagagawa ang Gobyerno para sa mga biktima ng bagyong Sendong noong 2011 at Zamboanga siege noong 2013 pero gaya ng sa Yolanda halos 40 percent pa lang ang natatapos.
Nais ng Senado na malaman ang dahilan kung bakit napakabagal ng trabaho ng national housing authority at iba pang ahensya ng gobyerno gayong pinaglalaanan ito ng pondo ng Kongreso taon taon.
Senador JV Ejercito:
“Sa bilyun-bilyong pisong ginastos na pondo ng gobyerno, ang tanong ko ngayon, bakit nilalagay sa liblib na lugar ang mga relocation sites kung saan walang kuryente at tubig, walang trabaho, at walang maayos na transportasyon para sa mga beneficiaries?”.
Ulat ni Meanne Corvera