Pabahay sa mga informal settlers, nananatiling problema ng gobyerno- ayon kay Senador Angara
Bigo pa rin ang gobyerno na tugunan ang problema sa pabahay para sa mga informal settelers dahil sa redtape.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance, ito ang lumitaw sa ginawa nilang pagbusisi sa panukalang pondo ng National Housing Authority (NHA) sa susunod na taon.
Lumilitaw aniya na dismayado na pati ang mga pribadong homebuilders at mga real estate companies dahil sa napakahabang proseso na kailangang pagdaanan mula sa land conversion, pagkuha ng titulo at pagpi-finance na tumatagal ng mahigit 74 na buwan.
Sa ulat na ipinarating ng government housing officials kay Angara, sinabi ng mga ito na kadalasan, umaabot nang mula 12-30 buwan bago payagan ng NHA ang isang house construction habang 16-74 months para sa Social Housing Finance Corporation, para sa kanilang proyekto sa Community Mortgage program.
Babala naman ni Angara nakasaad sa Republic Act 10884 o ang Balanced Housing Program Amendments Act na dapat ipatupad ang streamlining at pagpapasimple sa mga housing-related clearances and permits o maaari silang makasuhan.
Ulat ni Meanne Corvera