PACC, tinawag na walang silbi ng isang grupo kontra katiwalian
Tinawag na ‘useless’ o walang silbi ng isang grupo kontra katiwalian ang PACC o Presidential Anti-Corruption Commission na nagdiriwang ng isang taon na pagkatatag nito.
Ayon sa Coalition Against Corruption Vice- President Nicon Fameronag, mas mabuting idulog ng publiko ang mga reklamo ng katiwalian laban sa mga opisyal ng pamahalaan sa Office of the Ombudsman at iba pang ahensya ng gobyerno kaysa ihain ito sa PACC.
Sinabi ng grupo na selective ang PACC sa mga kasong tinututukan at isinasampa ng mga ito at pinapatulog ang ibang reklamo .
Partikular na rito ang mga reklamo na isinumbong ng CAC sa komisyon laban kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sa Duty Free at ilang iba pang opisyal.
Sinabi ni CAC Director Ali Dizon na hanggang ngayon ay walang ibinibigay ang PACC na resolusyon sa kanilang mga idinulog na kaso.
Iginiit ni Dizon na hindi naman sila humihingi ng paborableng desisyon.
Pero karapatan anya nila bilang mga complainant na mabigyan ng kopya ng resolusyon at malaman ang desisyon.
Kaugnay nito, kumakalas na ang grupo sa PACC.
HInimok din ng grupo si PACC Chairman Dante Jimenez na bumaba na lang sa pwesto dahil sa hindi nito kayang gampanan ang mandato nito.
Ulat ni Moira Encina