Packaging ng mga alcoholic beverages, dapat baguhin upang hindi maging kaaya-aya sa paningin ng mga bata
Lantaran sa mga sari-sari stores at mga pamilihan ang pagdidisplay ng mga alcoholic beverages o mga nakalalasing na inumin na isinasama sa mga ibang mga pangkaraniwang inumin.
Kaya ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, kailangan talaga ang tulong dito ng mga lokal na pamahalaan dahil kahit mahigpit ang pagbabawal sa pagbebenta ng mga alak sa mga supermarkets at groceries pero kung hindi naman naipatutupad ito sa mga maliliit na tindahan, madali pa ring mabibili ito ng mga kabataan.
Mababalewala rin aniya ang mga programa ng DOH kontra sa pag-inom ng alak.
Paliwanag ni Domingo bagamat hindi naman dapat nakatago, dapat ilagay lamang sa secured na lugar ang mga ganitong klaseng inumin at hindi madaling maabot ng mga bata.
Sa ganitong sitwasyon aniya, madali ring masisiyasat kung ang bibili ay may edad 18 anyos na.
Tinukoy ni Domingo ang pagbebenta ng mga Alcopop na may alcohol content at inihahalo sa mga pangkaraniwang inumin gaya ng juice o mga softdrinks.
Ayon sa Health official, ang alcohol content ng Alcopop ay mas mataas pa sa beer na nasa 6 to 7 percent ang alcohol nito.
Kailangan din aniyang baguhin ang packaging ng mga inuming ito para hindi maging kaaya-aya sa paningin ng mga bata.
“Pag tinikman nyo yung Alcopop ay para lang siyang juice na matamis. Kaya talagang pwedng magkamali ang isang tao lalu na yung ating mga kabataan. Alam naman natin kung hindi sanay uminom lalu na kung bata ay pwedeng magkaroon ng alcohol intoxication at kung allergic naman dahil hindi naman nila alam kung ano ang kanilang nainom ay napakahirap ma-trace. Kaya dapat mas doble ingat tayo sa ganitong produkto”.
Samantala, hinikayat ni Domingo ang publiko na kunan ng larawan o picturan ang mga tindahan o grocery stores na makikitang nakadisplay ang mga nakalalasing na inuming ito at nakahalo sa ibang mga pangkaraniwang inuming ibinebenta.
Maaari itong ipadala sa www.fda.gov.ph.
“Basta nakita nila lalu na kung kasama ng mga produktong pangbata, picturan ninyo at i-send sa www.fda.gov.ph. Meron tayong link doon, may email doon at ipadala nyo yung picture . Sabihin nyo sa amin kung saan nakita para mapapuntahan natin sa ating mga ahente at madisplina natin”.