Pag-aanunsiyo na avian influenza virus free na ang Pilipinas, ipinauubaya na ng DOH sa DA
Bahala na ang Department of Agriculture na mag-anunsiyo na avian influenza virus free na ang Pilipinas.
Ito’y matapos ihayag ni Health Sec. Paulyn Jean Ubial na wala pang naitatalang human infection ng bird flu ang Pilipinas o tinatawag na bird-to-human contamination.
Ginawa ni Ubial ang pahayag sa huling araw ng surveillance sa mga taong nagkaroon ng direct contact sa mga manok, pato, itik at pugong apektado ng avian influenza sa San Luis Pampanga, at sa Jaen at San Isidro sa Nueve Ecija.
Sinabi ni Ubial, na DA ang nagdeklara ng bird flu outbreak kaya dapat na sila rin ang mag-anunsyo kung clear na ang mga poulty products sa nasabing virus.
Matatandaang inianunsyo ni Agriculture Sec. Emmanuel “Manny” Piñol noong August 13 ang outbreak ng avian influenza sa isang quail farm sa Pampanga.