Pag-aapruba ng United Nations sa resolusyon ng Iceland para imbestigahan ang drug war ng Duterte Administration kinukuwestyon ng Malakanyang
Inaangalan ng Malakanyang ang ginawang adoption ng United Nations sa inihaing resolusyon ng Iceland na humihirit ng imbestigasyon sa drug campaign ng pamahalaan.
Sa ipinalabas na statement ni Chief Presidential legal Counsel Salvador Panelo sinabi nitong hindi naman nakakuha ng simple majority ang nangyaring botohan na ginawa ng may 47 mga bansa kaya’t maituturing na kuwestiyonable ang validity ng ginawang adoption ng UN.
Ayon kay Panelo dapat umabot sa 24 ang bilang ng boto para makuha ang simple majority at hindi 18.
Sinabi ni Panelo na sa labing walong botong pumapabor sa resolusyon ng Iceland, ibig lang aniyang sabihin nito na mayorya ng 47 member countries ng UN human rights council ay hindi kumbinsido sa inihaing resolusyon ng Iceland.
Inihayag ni Panelo bukod sa one sided at malisyoso rin ang desisyon at nagpapakita ng kawalan ng respeto sa soberenya ng bansa.
Niliwanag ni Panelo na hindi natitinag ang pamahalaang Pilipinas sa ginawang adoption ng United Nations Human Rights Council sa resolusyon ng Iceland at tuloy ang drug war ng Duterte administration.
Ulat ni Vic Somintac