Pag- abandona ng crew members ng isang Chinese vessel na nakabanggaan ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea, hindi makatao – ayon sa Malakanyang
Hindi nagustuhan ng Malakanyang ang ginawang pag- abandona ng isang chinese vessel sa may 22 pinoy na mangingisda malapit sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ito’y matapos na mabangga ng chinese vessel ang Filipino fishing boat na FB Gimver 1 kung saan pinabayaan sa halip na tulungan ng mga sakay ng dayuhang barko ang mga mangingisdang Pinoy kasunod ng nangyaring insidente ng banggaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo pagpapakita ng pagiging hindi sibilisado at hindi makatao ang naging asta ng kabilang kampo na isang malinaw na paglabag sa maritime protocol.
Sinabi ni Panelo kung mayroon mang territorial conflict sa pagitan ng Pilipinas at China hindi naman ito dahilan para pabayaan na lamang ang mga nasugatang pinoy na mangingisda.
Inihayag ni Panelo ang insidente ay hindi dapat ipagkibit balikat lang ng Chinese authorities at halip dapat nila itong imbestigahan at ipataw ang kaukulang kaparusahan sa Chinese crew.
Sa kabilang dako nagpaabot naman ng pasasalamat ang Malakanyang sa crew ng isang Vietnamese vessel na siyang tumulong sa mga distressed Filipino fishermen.
Ulat ni Vic Somintac