Pag-amyenda at pagpapalakas sa Mutual Defense Treaty isinulong sa Senado
Isinusulong sa Senado ang pag-amyenda at pagpapalakas ng 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa kaniyang inihaing Senate Resolution number 584, sinabi ni Senador Francis Tolentino na 71-taon na ang MDT o kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos na layong magtutulungan sakaling may armed attack sa kanilang teritoryo, at sa kanilang public vessel o aircraft na nasa Pacific.
Nais ni Tolentino na isama sa probisyon ang paglilinaw na masasakop ng kasunduan at pagtutulungan ang West Philippine Sea at iba pang teritoryo na may sovereign rights ang Pilipinas.
Bukod pa rito ang probisyon na dapat magbayad ng kaukulang kompensasyon ang Estados Unidos sa mga local government units (LGUs) na sakop sa implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ito’y dahil sa paglalagak ng kanilang kagamitan at pagsasagawa ng aktibidad sa pagkakasunduang lokasyon dito sa bansa.
Dapat rin aniyang maging malinaw sa MDT ang pangangako ng Pilipinas at Estados Unidos na magtutulungan kapag may cyber attack sa kanilang critical infrastructure at vital installation, at may environmental destruction.
Ayon kay Tolentino, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, kaialngang paigtingin din ang posisyon ng bansa sa West Philippine Sea dahil sa paggigiit ng China ng kanilang karapatan sa pinag-a-agawang teritoryo.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng alyansa sa mga kaibigang bansa, gaya ng Estados Unidos.
Hindi lang aniya ito para protektahan ang interes ng bansa, kundi para mamalagi ang peace and order sa rehiyon.
Meanne Corvera