Pag-amyenda sa 1987 constitution, binuhay sa pagbubukas ng 19th Congress
Mahigit tatlong linggo bago ang pagsisimula ng 19th Congress sa July 25, 2022 binuhay na ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ito’y matapos ihain ni Pampanga 3rd District Congressman Aurelio Gonzales ang House Resolution number 1 na naglalayong isulong muli ang Charter Change o CHACHA.
Ayon sa resolution ni Congressman Gonzales, magko-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso bilang constituent assembly para baguhin ang kasalukuyang saligang batas.
Nakasaad din sa resolution ni Gonzales na gawing limang taon ang termino ng Pangulo ng bansa at mabigyan ng pagkakataon na tumakbo ng re-election para sa kabuuang sampung taong termino.
Batay sa probisyon ng 1987 constitution ang Pangulo ng bansa ay pinapayagan lamang ng anim na taong termino ng walang re-election.
Ipinaliwanag ni Gonzales na ang anim na taong termino ng Pangulo ng bansa ay maikli upang ipatupad ang mga magagandang programa ng pamahalaan para sa kaunlaran lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa malaking problema kung papaano makakabangon sa epekto ng pandemya ng COVID-19 na nagpabagsak ng ekonomiya ng ibat-ibang bansa sa mundo.
Magugunitang ilang beses ng tinangkang amyendahan ang 1987 constitution sa mga nakalipas na Kongreso subalit hindi nagtatagumpay dahil sa isyu ng term limit sa mga elected government officials partikular sa termino ng Pangulo ng bansa.
Vic Somintac