Pag-amyenda sa Mental Health law isinusulong sa Kamara
Pinaaamyendahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Mental Health Act o Republic Act 11036 upang magamit ang compensation benefits para sa mga manggagawa na mangangailangan ng mental health services.
Isinusulong ito ni Congressman Patrick Michael Vargas kasabay ng paggunita ng National Mental Health Week.
Inihain ni Vargas ang House Bill 2789 para mabago ang Mental Health Law sa bansa.
Ayon kay Vargas dapat agad na matanggap ang compensation benefits at iba pang special financial assistance kapag ang manggagawa ay nagkaroon ng temporary or permanent mental disability habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.
Binanggit ni Vargas ang report ng Department of Health noong 2021 kung saan tinatayang 3.6 million Filipino ang nakararanas ng mental health condition noong kasagsagan ng pandemya ng COVID- 19 kung saan 1.14 million dito ay nakararanas ng depression, 847,000 ay nakararanas ng alcohol-use disorders at 520,000 ang may bipolar disorders.
Sinabi ni Vargas sa ngayon 7,800 pesos lang ang benefit coverage ng Philhealth para sa hospitalization ng pasyente na na-diagnosed ng mental at behavioral disorders.
Vic Somintac