Pag-aresto ng may respeto sa mga lumalabag sa Health protocol, ipinag-utos ni PNP Chief Eleazar
Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar na arestuhin ang mga mamamayang masusumpungang hindi nagsusuot ng face mask.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero nilinaw ng PNP Chief na sa kabila ng pag-aresto ay dapat manatiling nirerespeto ang karapatang pantao.
Upang matiyak na masusunod ang human rights policies, ipinag-utos ni Eleazar sa mga pulis na maayos na makipag-usap sa mga lumalabag at ipatupad pa rin ang maximum tolerance.
Hindi aniya dapat saktan o parusahan ang mga lumalabag sa health protocol at kapag nangyari ang pang-aabuso ay nagbabala si Eleazar na mananagot sa kaniya ang mga pulis.
“Puwede natin silang arestuhin, pero hindi natin sila dapat parusahan at lalong hindi natin sila dapat saktan. Kapag ginawa ninyo ito, mananagot kayo sa akin”.
Umapila naman si Eleazar sa mamamayan na sumunod sa istriktong quarantine measures upang makatulong sa pagbaba ng infection rate ng Covid-19.
Ang pagpapatupad aniya ng strict protocol ay patunay ng pagbaba ng kaso ng hawaan gaya ng ipinatutupad na mahigpit na Quarantine status sa NCR plus.