Pag-audit sa data centers ng Comelec para sa 2025 elections, sinimulan na
Inumpisahan na ng international certification firm na Pro V&V ang pag-audit sa data centers na gagamitin para sa eleksyon sa Mayo.
Sa data centers nakalagay ang servers kung saan ita-transmit ang resulta ng halalan para sa media, political parties, at accredited citizens.
Una sa in-audit ay ang Data Center 3 sa Ayala Circuit sa Makati City.
Sinaksihan ito ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, election watchdog groups at Miru Systems.
Comelec Chairperson George Erwin Garcia
Ayon sa Comelec, layon ng audit na matiyak ang kahandaan ng mga pasilidad, masuri ang access sa controls at seguridad.
Ito ay bilang pagtugon din ng poll body sa isinasaad sa batas.
Inihayag naman ni Pro V&V President Jack Cobb na partikular nilang sisiyasatin ang firmware at models ng equipment na gagamitin.
Aniya, “As we found today one of the pieces of equipment that is in there has not been updated to the latest that the other two have. They need to update that so that it’s consistent throughout.”
Kampante si Garcia na papasa ang data centers sa pagsusuri at makakakuha ng international certification.
Ayon kay Garcia, “Ang importante lahat ng providers natin ay responsive sa kailangan ng international certifying body. Ibig sabihin kapag sinabi ng international certifying body nasaan to dapat maproduce, bakit ganito dapat ayusin to, dapat ayusin, kung dapat idagdag, dapat idagdag, so long as they are compliant and responsive sa ating palagay as far as the system ok kami wala kami problema.”
Moira Encina-Cruz