Pag-iimprenta ng balota para sa 2025 National at Local Elections at BARMM polls, umarangkada na
Sinimulan na ng National Printing Office (NPO) ang unang araw ng pag-i-imprenta sa mga balota na gagamitin para sa national at local elections at sa parliamentary elections sa BARMM.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, halos 73 milyong balota ang iimprenta, o kabuuang 950,000 balota kada araw.
Courtesy: Phil. News Agency
Sinabi ni Garcia, “68 million 421 thousand dyan ay para sa Local at National elections, 2.3 million para sa Bangsamoro almost 10thousand, 11thousand para sa overseas voting, ang local absentee voting daang libo, of course meron tayong more or less para sa test ballots.”
Target na matapos ang ballot printing sa April 14 kasama na ang reprinting ng rejected ballots.
Sinabi ni Printing Committee Vice- Chair & Deputy Director for Administration Helen Aguila Flores, na makasaysayan ang ballot printing na ito dahil ito na ang pinakamaaga sa kasaysayan.
Ayon kay Flores, “Today we r making history because for the first time in the printing process of comelec this is a record early day one of the printing process.”
Gagamitin sa ballot printing ang bagong printing machines ng Korean firm na Miru Systems.
Inihayag ni Flores na may tracking system ang mga makina kaya matutukoy kung may nadobleng naimprentang balota.
Aniya, “As a security features, all ballots’ QR code is scanned by scanner to be able to track the ballot. May info tracking system part ng machines so duplicates can also be detected.”
Ayon kay Garcia, uunahin ng NPO para sa unang araw ng pag-iimprenta ang mga balota na gagamitin sa overseas absentee voting, local absentee voting, BARMM elections at test ballots.
Courtesy: NPO FB
Huli naman aniya ang pag- iimprenta sa mga balota na para sa Metro Manila dahil ito ang pinakamalapit sa NPO.
Ayon pa kay Garcia, hindi na kasama sa balota ang pangalan ng mga kandidato na pinal nang diniskuwalipika ng Comelec En Banc.
Inabisuhan din aniya ng poll body ang Korte Suprema ukol sa pagsisimula ng ballot printing at wala silang natanggap na TRO mula sa umaapelang disqualified candidates.
Sabi ni Garcia, “Kung sakaling may aksyon ang Korte Suprema, later Comelec will find a way to comply with the decision or order from the Supreme Court. Sumulat ang inyong lingkod sa kataa- taasang hukuman, address sa punong mahistrado, nag-inform tayo na we will start with the printing ballots today, ginawa last Huwebes pa not to influence the Supreme Court but to inform of the activity which is the printing of ballots.”
Tiniyak ni Garcia na magiging transparent ang buong printing process ng mga balota kaya ila-livestream ito ng Comelec sa kanilang social media pages.
Bubuksan din aniya ito sa media, political parties at iba pang observers pero lilimitahan ang bilang at lugar na pupuntahan dahil mahigpit ang seguridad sa printing area.
Aniya, “Always, always the Comelec, Commission on Audit personnel and official will always be there to observe the entire process of the printing. Sa aking palagay di sapat lang na napakaganda quality ng balota natin, dapat katanggap-tanggap ang lahat ng proseso na ginagawa natin base sa standard natin at base sa katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino.”
Tiwala naman si Garcia na makatutugon sila sa April 14 deadline ng ballot printing dahil may naka-standby din na printing machines ang NPO.
Ayon kay Garcia, “Kasaysayan naman ng Comelec when it comes to printing of the ballots in partnerhship with NPO, wala naman tayong ganun. Sinabi namin sa NPO, please make available anytime your machines just in case in any eventuality.”
Moira Encina-Cruz