Pag-iisyu ng courtesy Diplomatic Passport para sa mga former Cabinet Secretaries, Ambassadors at Envoys matagal nang suspendido sa ilalim ng Philippine Passport Act of 1996 – former DFA Sec. Yasay
Mariing itinanggi ni dating Foregn Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. na siya ang nagbigay approval para sa Diplomatic passport ni dating DFA secretary Albert Del Rosario.
Si Del Rosario ay pinigil at hindi pinayagang makapasok sa Hongkong airport noong nakalipas na linggo patungo sana sa isang business trip.
Sa pahayag kasi ng DFA, December 20, 2016 nang aprubahan umano ni Yasay ang diplomatic passport ni Del Rosario na may bisa hanggang December 19, 2021.
Ang pag-iisyu ng mga diplomatic passport sa mga dating DFA secretaries at ambassadors ay pribiliheyo sa mga immigration points sa ibang bansa.
Ginagawa umano ito mula pa noong 1993 at routinely function na ito ng Consular Affairs ng DFA.
Giit ni Yasay, kahit mayroong konsepto na “courtesy diplomatic passport” na ginagarantiya para sa mga former Department secretaries kabilang na ang mga Ambassadors at Envoys, kanselado na ang polisiyang ito matapos maipasa ang Passport Act of 1996.
Sa ilalim kasi ng Section 7 ng nasabing batas, tanging ang mga dating Presidente at dating Bise-Presidente lamang ng bansa ang may karapatang gumamit ng Diplomatic passport sa pagbibiyahe abroad.
Kung mayroon man aniyang ibang dating opisyal ng gobyerno ang gagamit nito ay dapat siguruhing ang pupuntahan niya ay isang official mission.
“Kung merong ibang tao or opisyales ng gobyerno or somebody who had been a former Cabinet member, like sec. Del Rosario if he applies for a courtesy Diplomatic passport, he has to show that he will be travelling on account of a official mission. Confused din ako sa sinasabing Re-validation dahil ang re-validation ng valid diplomatic passport only applies when he travels on a official mission abroad. At ang nag-a-approve nyan ay ang Presidente o ang current DFA secretary”.
Wala rin aniyang basehan ang naging pahayag ng DFA na matapos ang pagkakaharang kay Del Rosario sa Hongkong ay kakanselahin na ang lahat ng inisyung diplomatic passports dahil 1996 pa lamang ay kinansela na ang mga ganitong hakbangin sa ilalim ng Passport Act.
“For the Department of Foreign Affairs to say that they are now cancelling that policy ay walang basehan dahil ang nasabing policy has already been effectively cancelled for the passage of the Philippine Passport Act in 1996″.