Pag-ipit sa Tripartite Agreement para sa bakuna, itinanggi ni Vaccine Czar Galvez
Pinabulaanan ni Vaccine Czar Carlito Galvez ang alegasyong iniipit ang mga Tripartite Agreement ng ilang Local Government Unit at mga pribadong kumpanya para sa pagbili ng bakuna laban sa Covid-19.
Ayon kay Galvez, hindi interesado ang mga vaccine manufacturer na lumagda sa kasunduan dahil nagiging komplikado.
Mas prayoridad ng ilang kumpanya tulad ng Sinovac at Gamaleya na mabigyan ang gobyerno ng Pilipinas dahil na rin sa limitadong suplay habang ang kumpanyang Moderna at Astrazeneca ay ayaw namang tumanggap ng multi-party agreement.
Tiniyak naman ni Galvez na mabibigyan ng bakuna ang mga LGU pero hindi nga lang sabay- sabay.
Sinabi ng opisyal na 25 milyong doses ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa sa Setyembre habang 114 million doses pa ang inaasahang darating bago matapos ang taon.
Kung walang magiging aberya bago matapos ang taon ay maaring maabot na ng bansa ang target na bakunahan ang 50 hanggang 70 percent ng adult population.
Meanne Corvera