Pag-uusap ng utak sa Degamo killing at suspek, nasa video –Remulla
Malapit na umanong maisara ang kaso ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, “The end is near” sa kaso matapos na ituro na ng isa sa mga suspek ang mastermind ng krimen.
Ang hinihintay na lang aniya ay ang madakip ang iba pang mga sangkot sa pagpatay sa gobernador at walong iba pa.
Sinabi pa ni Remulla na ang pag-uusap ng sinasabing utak ng pagpatay at ng suspek ay sa pamamagitan ng video o live video conversation.
Niliwanag ng kalihim na kailangan pang mai-evaluate ang salaysay ng mga naarestong suspek.
Pero kumpiyansa si Remulla na may bigat ang video ng pag-uuusap.
Ayon sa kalihim, nasa kustodiya na ng NBI ang apat na suspek na isasailalim muli sa mga pagtatanong ukol sa mga pangyayari gaya sa mastermind.
Tumanggi naman si Remulla na sagutin kung politiko ang itinuturong nasa likod ng krimen.
Una nang sinabi ng DOJ na pag-iisahin ang lahat ng mga kaso laban sa mga salarin sa Degamo killing na inihain sa mga korte sa Negros Oriental at ito ay ililipat sa hukuman sa Maynila.
Moira Encina