Pagbaba ng Alert Level sa Metro Manila, pinag-aaralan ng NTF
Posibleng ibaba sa Alert level 3 ang Metro Manila pagsapit ng Oktubre kung tama ang prediksiyon ng OCTA research group na bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region.
Inireport ni Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte sa regular weekly Talk to the Peoples na unti-unti nang bumababa ang mga naitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa.
Sinabi naman ni National Task Force o NTF against COVID-19 Medical Adviser Dr. Ted Herbosa sa Pangulo na sa nakalipas na araw ay lampas sa 100 ang mga lugar na inilagay sa granular lockdown sa Metro Manila na nagpapakita na marami-rami pa ring kaso ng COVID-19 ang naitatala sa NCR.
Ayon kay Herbosa kung hindi naman napupuno ang mga ospital sa NCR puwedeng bumaba ang alert level sa Metro Manila.
Inihayag ni Herbosa na maganda ang feedback sa ipinatutupad na Alert level system sa NCR dahil ganito rin ang ginagamit sa ibang mga bansa tulad ng Singapore at Australia.
Sa ilalim ng Alert level system ay maaaring gumalaw ang ekonomiya habang kinokontrol ang pagkalat ng pandemya ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapatupad ng granular lockdown.
Vic Somintac