Pagbaba ng alert level sa NCR, ikinadismaya ng health workers
Nadismaya ang ilang health workers, matapos ibaba sa alert level 3 ang National Capital Region (NCR) simula bukas, October 16.
Giit ni Alliance of Health Workers president Robert Mendoza, puno pa rin ang mga ospital kayat sana ay in-extend man lang hanggang sa katapusan ang alert level 4 ng quarantine restrictions.
Ayon kay Mendoza . . . “Yung mga wards lang ang lumuwag ng konti, pero kung titingnan natin sa mga emergency room, andami pa rin nakapila dyan for (intensive care unit) accomodation. Ngayon kahit na sa emergency room may mga intubated na pasyente kasi puno pa yung ating ICU.”
Dagdag pa ni Mendoza, hirap pa rin ang health workers sa pag-aasikaso sa mga pasyente.
Aniya . . . “Yung ating mga health worker dahil alam natin na marami na ang nag-resign, nag-early retirement, umalis na pumunta ng abroad, hindi pa nadagdagan yung ating mga health manpower doon sa loob ng ospital. Talagang malala pa rin yung understaffing at hindi pa tayo bumabalik sa normal na 8 hours lang.”
Sinabi pa niya na . . . “Ang duty ng ating health workers ay umaabot pa rin sa 12 to 16 hours, ‘pag wala ka ka-endorse umaabot ka sa 24 hours.”