Pagbaba ng alerto sa NCR, nakasalalay sa epekto ng pilot testing ng Alert Level 4 with Granular lockdown
Inihayag ng Malakanyang na nakadepende sa resulta ng pilot testing ng alert level 4 with granular lockdown kung ibababa ang alert level sa National Capital Region pagkatapos ng dalawang linggo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, isasailalim sa evaluation ng mga health expert ng Department of Health ang average daily attack rate ng COVID-19 at hospital bed utilization sa Metro Manila kung patuloy itong tumataas o bumababa habang umiiral ang alert level 4 with granular lockdown.
Ayon kay Roque sa ngayon nasa 60 percent na ng populasyon ng NCR ang naturukan ng anti-COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Roque bagamat tumataas ang kaso ng corona virus sa NCR dahil sa Delta variant maaari itong mabalanse ng pagdami ng bilang ng mga nababakunahan sapagkat mababawasan ang severe COVID-19 cases.
Naniniwala si Roque na manageable parin ang kaso ng COVID-19 sa NCR kahit nasa high risk status na ang bed utilization ng mga hospital dulot ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID 19.
Muling umapela ang Malakanyang sa publiko na panatilihin ang mahigpit na pagsunod sa minimum health standard na pagsusuot ng facemask, faceshield, paghuhugas ng kamay at physical distancing kahit bakunado na upang mabawasan ang pagkalat ng Pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac