Pagbaba ng bilang ng pamilyang Filipino na nakakaranas ng involuntary hunger, ikinatuwa ng Malakanyang
Magsisilbing inspirasyon sa Malakanyang para mas magpursige pa ito upang mas mapababa pa ang 4.2 percent na taon- taong naitatalang kabawasan ng mga pamilyang nakararanas ng involuntary hunger.
Ito ang inihayag ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles kasunod ng lumabas na September 27 to 30, 2019 SWS survey na dalawa punto tatlong (2.3 ) milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan na higit na mas mababa sa 3.3 milyong pamilya na nakaranas ng involuntary hunger noong September 2018 SWS data.
Ayon kay Nograles, indikasyon ito na nakakamit ng gobyerno ang ninanais na mga target para supilin ang problema ng kagutoman sa bansa.
Sinabi ni Nograles na isa ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty sa ginagawang inisyatibo ng pamahalaan para makamit ang ating minimithing Goodbye Gutom program.
Ang involuntary hunger ay gutom na nararanasan ng isang pamilya dahil sa kakulangan ng pagkain na maisusubo.
Ulat ni Vic Somintac