Pagbaba ng singil sa kuryente , pinareremedyuhan sa DOE
Pinaaaksyunan ng mga senador sa Department of Energy ang mataas na singil sa kuryente na sumisira rin sa kabuhayan ng maraming mga negosyante.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy inireklamo ni Senate president Juan Miguel Zubiri ang mataas na singil ng electric cooperatives na mas mataas pa sa singil sa kuryente sa Metro manila.
Paano raw makakahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan kung napakamahal ng kuryente at madalas pang nagkakaroon ng brownout.
Reklamo ni Senador Ronald bato dela Rosa marami sa mga taga mindanao ang napuputulan ng kuryente dahil hindi na mabayaran ang sobrang mahal na singil.
Sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo, marami na rin siyang natanggap na reklamo hinggil dito.
Pero depensa ni Energy Secretary Raphael Lotilla, wala silang magic wand para agad na ibaba ang singil.
Marami pa raw kailangang ayusin ang gobyerno tulad ng transmission lines na isa sa mga nagiging dahilan para ma -stranded ang suplay ng kuryente.
Mungkahi ng kalihim, ituloy ang hybrid set up sa mga tanggapan ng pamahalaan at iba pang pribadong sektor para makatipid sa enerhiya at hindi dumepende lang sa napakamahal na petroleum products na inaangkat pa ng bansa.
pinag- aaralan na rin aniya nila ang mungkahi ni Pangulong Bongbong Marcos na tingnan ang posibilidad ng pagkakaroon ng nuclear energy sa bansa.
Meanne Corvera