Pagbaba sa puwesto ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, ikinagulat ng buong hanay ng pambansang pulisya
Ikinagulat ng buong hanay ng Pambansang Pulisya ang biglaang pagbaba sa puwesto ni PNP Chief General Oscar Albayalde.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig General Bernard Banac, ang akala aniya nila ay magbibigay lamang ng mensahe si Albayalde ngunit magbibitiw na pala sa puwesto.
Sinabi ni Banac na nalulungkot at nanghihinayang ang hanay ng PNP sa pagbaba ni Albayalde dahil inaasahan nilang magaganap pa ang pagbaba sa puwesto ng PNP chief sa October 29 pero hindi na niya natapos ang kaniyang termino sa PNP.
Sa palagay ni Banac, maaaring naapektuhan na ang kaniyang reputasyon at pamilya matapos makaladkad ang PNP chief sa isyu ng Nina cops kaya ang pagbaba sa puwesto ang kaniyang naging desisyon.
“Yung nangyaring imbestigasyon sa kanya sa Senado ay lubhang nakaapekto sa kanya personally dahil hanggang ngayon ay wala pa rin namang napapatunayan, hindi sapat ang mga ebidensya na nag-aakusa sa kaniya at naapektuhan na ang kaniyang pamilya”.
Samantala, sinabi ni Banac na magiging limitado lamang ang magiging trabaho ni PNP Chief-OIC Lt. General Archie Gamboa, PNP Deputy Chief for Administration.
Kailangan lamang mamonitor ni Gamboa kung nagpapatuloy ang aktibidad ng office of the Chief PNP at wala siyang karapatang gumalaw ng mga appointments o budget.
Si General Gamboa ay nakatakdang magretiro sa Setyembre ng susunod na taon.
Binigyang-diin naman ni Banac na kung sino man ang itatalaga ni pangulong Duterte bilang susunod na PNP Chief ay kagyat silang tatalima.
“Definitely kahit sinuman ang mapili ng Pangulo ay tanggap ng PNP at tayo ay tatalima at susuporta”.