Pagbabago sa patakaran sa pagsusuot ng faceshield kontra COVID-19 hindi maituturing na laban o bawi policy – Malakanyang
Ipinagtanggol ng Malakanyang ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng faceshield laban sa pandemya ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi maituturing na laban o bawi policy ang pagbabago ng pasya ng Pangulo sa paggamit ng face shield sa outdoor at indoor activities.
Ayon kay Roque,sumusunod lamang ang Pangulo sa scientific bases na inilalabas ng mga health expert sa pagkontrol sa paglaganap ng COVID 19.
Inihayag ni Roque noong magdesisyon ang Pangulo noong nakaraang linggo na hindi na magsusuot ng faceshield ay wala pa ang report ng mga eksperto hinggil sa Delta o Indian variant na nakapasok na sa bansa at mayroong ng naitalang 17 kumpirmadong kaso.
Iginiit ni Roque na hindi masama na magbago ng desisyon ang pamahalaan sa mga ipinatutupad na health protocol dahil ang pangunahing isinasaalang-alang ay ang kapakanan at kaligtasan ng publiko sa nakakahawa at nakamamatay ng sakit.
Inamin ni Roque na maituturing na game changer ang pagpasok sa bansa ng Indian variant ng COVID-19 dahil lubha itong mapanganib dahil mas mabilis itong nakakahawa kumpara sa ibang variant ng corona virus na naitala sa South Africa, Brazil at United Kingdom.
Vic Somintac