Pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga batang 5-11 y/o, pag-aaralan pa-DOH
Pag-aaralan pa ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa mas nakababatang populasyon o mga nasa 12-anyos pababa.
Ito’y matapos bigyan ng awtorisasyon ng United States’ Food and Drug Administration ang Pfizer BioNTech Covid-19 vaccine na magamit sa mga nasa edad 5-11.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, hihintayin pa nila ang resulta ng gagawing pag-aaral.
Maaari aniyang bawasan ang dosage na ituturok sa nasabing age group kumpara sa dosage na ibinibigay sa mga kabataan at adult.
Nauna nang idineklara ng gobyerno na sisimulan ang pagbabakuna sa lahat ng mga kabataang nasa edad 12-17 sa November 3.
Sa ngayon nagpapatuloy ang pagbabakuna sa mga menor de edad na may comorbidities.
Kumpiyansa naman si Health Secretary Francisco Duque III na matatapos sa unang quarter ng 2022 ang pagbabakuna sa nasa 12.7 milyong kabataang nasa edad 12-17.