Pagbabakuna sa A5 priority sector, puwede na ring simulan, ayon sa DOH
Hindi na maghihintay ng matagal na panahon ang iba pa nating kababayan para sila ay mabakunahan na rin kontra Covid-19.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, puwede nang simulan ng mga lokal na pamahalaan ang COVID-19 vaccination para sa mga nasa A5 priority group o mga mahihirap na populasyon gamit ang bakuna mula sa COVAX Facility.
Pero paalala ni Vergeire, depende ito kung may sapat na supply ng bakuna ang mga LGU.
Nagbigay na rin aniya ng pronouncement ang World Health Organization na maliban sa A1 hanggang A3 sector ay maaari naring isama sa binabakunahan ang A5.
Una rito, ang mga donasyong COVID 19 vaccine mula sa Covax facility ay sa A1 hanggang A3 lamang itinurok.
Basta kailangan lang aniyang matiyak na kung ang isang LGU ay magsisimula na sa A5, hindi naman magkukulang sa ibang sektor.
Sinabi ni Vergeire na may 11 milyong doses pa ng COVID 19 vaccine ang inaasahang darating sa bansa.
Bukod pa aniya rito ang 2 milyong doses ng bakuna ng Sinovac na dumating sa bansa.
Ang mga bakuna na binili ng gobyerno ang ginagamit sa pagbabakuna sa A4.
Sa datos ng DOH, nasa mahigit 127,000 A4 o economic workers na ang nabakunahan kontra Covid-19.
Samantala, umapila naman si Vergeire sa mga LGU na magkaroon ng scheduling sa pagbabakuna para maiwasan ang dagsa ng tao sa mga vaccination site.
Madz Moratillo