Pagbabakuna sa lahat ng sektor, sisimulan na ng Iloilo city sa Agosto
Simula sa Agosto, magiging bukas na sa lahat ng sektor ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa Iloilo city.
Ang Iloilo city kasama ang Iloilo province ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na manatili sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula August 1 – 7, 2021 kasunod sa naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Sinabi ni Mayor Jerry Treñas, gagamitin ng lungsod ang Astrazeneca vaccines na binili ng lokal na pamahalaan maliban pa ito sa mga bakunang nagmula sa national government.
Sisimulan na rin ng Iloilo city ang pagbabakuna sa mga nasa edad 18 pataas upang makamit ang target na herd immunity na 70% o 450,000 ng populasyon ng lungsod.
Sa ngayon, nasa 14 percent pa lamang ng target population sa lungsod ang nakakumpleto na ng bakuna at nasa 29 percent naman ang naturukan ng first dose.
Nasa kabuuang 670,000 Astrazeneca vaccines ang binili ng Pamahalaang Panglungsod kasunod ng nasa 18,000 doses na dumating noong nakalipas na linggo.
Pero nilinaw ni Treñas na kailangang magpa-rehistro ang mga magpapabakuna upang masunod ang social distancing protocol at maiwasan ang dagsa ng mga tao.