Pagbabakuna sa mga edad 5-11 taong gulang, posibleng simulan sa Pebrero
Target ng gobyerno na simulan na sa darating na Pebrero, ang pagbabakuna laban sa Covid-19 para sa mga nasa edad 5-11, gamit ang Pfizer vaccine.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, pinuno ng National Vaccination Operations Center (NVOC), na hinihintay na lamang nila ngayon ang pagdating ng Pfizer vaccine para sa nabanggit na age group.
Iba aniya ang formula nito kumpara sa bakunang ibinibigay sa nasa 12-17 age group.
Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA), na ang nabanggit na bakuna para sa 5-11 age group ay may efficacy rate na 90% at ‘very mild’ lamang ang side effects.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergerie, posibleng sa unang linggo pa ng Enero o unang linggo ng Pebrero dumating ang mga bakuna, bunsod na rin ng kakulangan ng suplay nito sa buong mundo.
Plano ng gobyernong mabakunahan ang nasa 13.5 milyong mga bata sa buong bansa, na kabilang sa 5-11 age group.