Pagbabakuna sa mga kabilang sa A4 group, ibabatay sa prioritization – DOH
Bagamat inanunsyo na gobyerno na sisimulan na ang pagbabakuna kontra Covid-19 para sa A4 o Economic workers, hindi naman lahat agad mababakunahan.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, batay sa kanilang rekomendasyon ay magkakaroon rin ng prioritization sa pagbabakuna sa A4.
Paliwanag ni Vergeire, hindi pa rin kasi sapat ang suplay ng bakuna sa ngayon.
Bukod rito, salig aniya ito sa prioritization framework na ang dapat maging prayoridad sa pagbabakuna ay mga nasa vulnerable sector.
Kabilang sa mga nasa vulnerable sector ay mga nasa edad 50 hanggang 60.
Pagkatapos ay saka naman aniya isusunod ang mga nasa edad 40 hanggang 50 at pagkatapos ay 30 hanggang 40 hanggang sa maabot na ang lahat ng working age group.
Para sa A4, ang mga bakunang gagamitin ay ang mga bakuna na binili ng gobyerno.
Ang mga donasyong bakuna mula sa Covax facility naman aniya ay gagamitin sa A1,A2 at A3 o mga health worker, senior citizen at person with commorbidity.
Sa pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA), tinatayang nasa mahigit 30 milyon ang target mabakunahan sa ilalim ng A4 sector.
Una ng tinarget ng gobyerno na masimulan ang A4 vaccination sa unang bahagi ng Hunyo pero dahil sa kakapusan pa ng suplay ay hindi agad ito nasimulan.
Sakaling simulan na ang pagbabakuna sa kanila ay uunahin naman muna ang mga nasa NCR Plus 8 na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas, Metro Cebu, at Metro Davao.
Madz Moratillo